Nagpapatuloy ang paguusap sa Embahada ng Amerika sa kahilingan ng US government na kupkupin ng Pilipinas ang Afghan nationals habang pinoproseso pa ang kanilang Special immigrant Visas.
Ito ang naging tugon ni Department of Justice Undersecretary Raul Vasquez nang matanong ang estado ng kahilingan ng US sa sidelines ng pagsisimula ng mga aktibidad kaugnay sa 1st National Refugee Day sa Pilipinas.
Ang posibilidad nga ng pagkupkop sa Afghan nationals sa bansa ay matapos na idulog ni Sen. Imee Marcos ang mga pangamba noong 2023 kaugnay sa national security concern kabilang ang totoong pagkakakilanlan ng Afghans na dating nagtrabaho sa gobyerno ng Amerika.
Kinumpirma naman ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez ang naturang request sa imbestigasyon kung saan nagpadala ng formal letter ang US government sa PH Embassy noong October 2022.
Sa naturang sulat, hiniling ng US sa PH na payagan ang mga empleyadong Afghan na pumasok sa bansa at bigyan ng pansamantalang matutuluyan habang inaantay ang kanilang special visa.
Ayon sa US Citizenship and Immigration Services, aabot sa 1,500 special immigrant visas ang pinoproseso ng US kada taon para sa Afghan nationals na nagtrabaho para sa US government sa Afghanistan na nagbigay ng hindi matatawarang serbisyo at humaharap sa nagpapatuloy na seryosong banta dahil sa kanilang trabaho.
Ang mga aplikante ay dapat na may rekomendasyon mula sa US citizen na kanilang supervisor gayundin ang approval ng Chief of Mission.
Dapat din na makapasa ang mga ito sa background at security check ng US Department of Homeland Security.
Kung matatandaan na nasa ilalim na ng kontrol ng Taliban ang Afghanistan simula noong 2021.