Malapit ng maratipikahan ang pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at Japan kaugnay sa panukalang Reciprocal Access Agreement (RAA) ayon kay Japan Ambassador Endo Kazuya.
Ginawa ng Japanese envoy ang naturang pahayag sa idinaos na 70th anniversary ng Japan Self Defense Forces (JSDF).
Aniya, sa oras na makumpleto na ang negosasyon kaugnay sa naturang defense agreement, magkakaroon na ng mutual visit sa pagitan ng mga sundalo ng 2 bansa para sa pagsusulong ng kooperasyon sa seguridad at depensa. Magpapahintulot din ito sa mas marami pang economic cooperation ng 2 bansa.
Una ng nagpahayag ng pag-asa ang delegasyon ng mga mambabatas na maisasapinal na ang RAA sa gaganaping ikalawang PH-Japan Foreign and Defense Ministerial Meeting o binansagang 2+2 meeting sa Lunes, Hulyo 8.
Kung saan papangunahan nina Japanese Minister for Foreign Affairs Kamikawa Yoko at Minister of Defense Kihara Minoru ang delegasyon ng Japan at makikipagpulong kasama sina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo and National Defense Secretary Gilberto Teodoro.
Sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines, sinabi ni AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr. na malugod nilang tinatanggap ang mas malapit pang kooperasyon sa pagitan ng Japan at PH sa ganitong kritikal na panahon.