TUGUEGARAO CITY – Hindi umano matutuloy ang pag-uwi ng mga labi ng OFW na namatay sa Kuwait ngayong araw.
Sinabi ni Kris Fiel ng Migrante-Isabela Chapter sinabihan sila pamilya ni Constancia Dayag na nasa Maynila na maaaring bukas na ang pagbyahe ng mga labi nito sa Angadanan, Isabela dahil sa isasailalim pa umano sa autopsy ang bangkay.
Kaugnay nito, sinabi ni Fiel na gagawin nila ang lahat upang matulungan ang pamilya ng OFW na makamit ang hustisya sa pagkamatay ni Dayag.
Matatandaan na dead on arrival nang dalhin si Dayag sa isang ospital sa Kuwait.
Batay sa inisyal na findings, mayroong nakitang mga pasa sa katawan si Dayag at posible umanong biktima ito ng sexual abuse.
Pero batay sa findings ng Kuwait forensic department, nasawi ang Pinay worker dahil sa natural cause.
Samantala, sinabi ni Fiel na gumagawa na rin sila ng paraan upang matulungan ang isa pang OFW sa United Arab Emirates na si Nora Dulatre ng San Guillermo, Isabela.
Sinabi ni Fiel na humihingi ng tulong si Dulatre para makauwi na sa bansa dahil sa pagbagsak ng kanyang kalusugan kung saan lagi umanong dumudugo ang kanyang ilong.
Ayon kay Fiel,nakipag-ugnayan na rin sila kay Labor Secretary Silvestre Bello ay nangako siya na gagawa ng paraan upang matulungan ang nasabing OFW.
Sinabi pa ni Fiel na nag-apply bilang household worker si Dulatre sa UAE subalit ang kanyang naging trabaho ay pagde-deliver ng mga gulay.