Sumugod ngayon ang ilang environmental groups sa Subic, Zambales para bantayan at saksihan ang paguwi ng garbage shipment mula Canada pabalik sa bansa nito mamayang hapon.
Nag-martsa ang mga grupo gaya ng EcoWaste Coalition at Greenpeace Philippines patungong Subic Bay International Container Terminal dahil ala-1:30 mamaya inaasahan na dadaong doon ang MV Bavaria na siyang magbi-biyahe ng 69 na containers na naglalaman ng mga basura.
Ayon kay SBMA chair Wilma Eisma all set na rin ang paglarga ng barko mamayang alas-3:00 ng hapon kapag nai-load na rito ang mga basura.
Kung maaalala, pinauwi ng bansa kamakailan ang ilang opisyal ng Pilipinas sa Canada matapos mabigo ang estado sa una nitong deadline sa pagbawi ng garbage shipment noong May 15.
Samantala, dinidinig din ngayon sa Kamara ang naturang issue kung saan tiniyak ng Bureau of Customs na sasagutin ng Canada ang gastusin ng shipment sa kabila ng naunang pahayag ng Malacanang na handa itong gumastos para maalis na ng bansa ang mga basura.
Pero ayon kay House Committee on Metro Manila Development chair Winston Castelo, P10-milyon lang ang sasagutin ng dayuhang estado mula sa P1-bilyong gastos ng shipment, dahil inako na raw ng private importer na nagdala ng basura dito sa bansa ang natitirang gastos para mauwi ang garbage containers pabalik ng Canada.