-- Advertisements --

Ang International Criminal Court ang magdedesisyon kung papayagang umuwi si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakakulong sa The Hague, Netherlands kaugnay ng kinakaharap nitong crimes against humanity.

Ito ang sinabi ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ng tanungin kaugnay ng sinabi umano ng dating Pangulo na matanda na ito at kung mamamatay ay nais nito na siya ay nasa Pilipinas.

Sinabi ni Vice President Sara Duterte na nais ng umuwi ng kanyang ama, na halos isang buwan pa lamang nakapiit sa ICC detention facility.

Ayon kay Ortega na bagamat maraming tao ang nagnanais na makabalik si Duterte, tanging ang ICC ang makakapagdesisyon nito.

Inaresto ang dating Pangulo noong Marso 11 batay sa isang warrant mula sa ICC para sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang war on drugs.

Pagkatapos ng kanyang pagkaka-aresto, siya ay dinala sa The Hague kung saan siya ay kasalukuyang nakakulong habang naghahanda ang ICC para sa paglilitis. Ang kaso ay kaugnay ng mga kaso ng extrajudicial killing sa oagpapatupad ng war on drugs campaign nito.

Ipinahayag ni Ortega na hindi dapat makaapekto ang mga pampulitikang pananaw sa mga proseso ng batas.

Ang confirmation of charges ng kaso ni Duterte ay itinakda sa Setyembre 23, 2025.