ILOILO CITY – Isinailalim na sa debriefing ang siyam na mga mangingisda na na-rescue matapos tumaob ang sinasakyang bangka sa Brgy. Dawit, Caluya Island sa Antique.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Commander Edison Diaz, spokesperson ng Philippine Coast Guard (PCG) District Western Visayas, sinabi nito na kasalukuyang pinoproseso ang pag-uwi ng mga mangingisda sa kani-kanilang mga bahay sa Cebu.
Ayon pa kay Diaz, isinailalim na rin sa COVID-19 test ang mga ito at hinihintay pa sa ngayon ang resulta.
Tutulong rin ang PCG at iba pang ahensya ng gobyerno para sa expenses ng mga ito pabalik sa Cebu.
Na-recover na rin ang fishing vessel na sinakyan ng mga mangingisda sa Caluya, Antique.
Natapos na rin ayon kay Diaz ang fact-finding investigation at napag-alamang kumpleto rin sila sa minimum requirements para sa pagpapalaot ngunit biglang lumakas ang alon at hangin na naging dahilan ng insidente.