Tiniyak ni Gov. Aris Aumentado na magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang mga nasa likod ng pag vandal sa mga corals sa Estaca, Virgin Islands bayan ng Panglao Bohol.
Ikinadismaya pa ni Aumentado ang mga vandal sa ilang mga corals sa nasabing isla na isang sikat na destinasyon para sa mga divers at snorkelers.
Nakunan pa ng underwater video ang insidenteng ito at kumalat sa social media na umani naman ng mga negatibong reaksyon.
Sinabi pa nito na panahon na rin para suriin at bumalangkas ng mga batas na magpapalakas sa pagpapatupad ng National Integrated Protected Areas System dahil isa pa umanong protected area ang Virgin island.
Bukod dito, nakatakda ring bumuo ng isang task force para tutukan ang pagbabantay sa isla.
Nauna na ring nag-alok ng P200,000 na pabuya ang opisyal sa kung sino ang makakapagturo sa boatman at tour guide na ipinapakita sa video na kanilang inilabas.
Samantala, temporaryo ng isinara simula noong Lunes, Setyembre 2, ang Estaca dive site mula sa mga bumibisitang turista para bigyang-daan ang pag-rehabilitate ng mga corals.