Nalugod si Senadora Risa Hontiveros kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr matapos na i-veto ng pangulo ang panukalang batas na humihiling para maging naturalized Filipino citizen ang Chinese national na si Li Duan Wang.
Ayon kay Hontiveros, sa simula pa lamang ay nagpahayag na siya ng matinding pagtutol sa pagbibigay ng naturalization kay Wang dahil nakababahala aniya ang mga natuklasan sa Chinese national.
Kabilang sa ikinababahala ng senadora ay mayroon umanong hawak na maraming taxpayer ID si Wang na may kaugnayan sa mga ilegal na operasyon ng POGO.
Naalarma din si Hontiveros sa pagkakaugnay ni Wang sa Philippine Jinjiang Yu Shi Association, na pinaniniwalaang may kaugnayan sa united front of the Communist Party of China.
Naniniwala ang mambabatas na ang hindi pag-apruba sa aplikasyon ni Wang para maging ganap na Filipino ay isang matatag na paninindigan para sa ating pambansang interes.
Hinimok naman nito ang gobyerno na ipagpatuloy ang pag-iimbestiga at maharap sa hustisya ang iba pang mga abusadong personalidad sa POGO na nananamantala sa batas ng bansa upang malagay sa alanganin ang ating seguridad.
Magugunitang si Hontiveros lamang ang bumotong tutol na pagkalooban ng Filipino citizenship si Wang dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa isang pugante at POGO boss.