-- Advertisements --

Naiintindihan umano ng Philippine National Police ang naging desisyon ni PBBM na i-veto ang ang PNP Reform Bill.

Sa isang panayam, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na prerogative ito ng pangulo. Naiintindihan aniya ng pulisya ang naging hakbang ng pangulo at sinusuportahan ang alalahanin nito ukol sa ilang probisyon ng naturang panukala.

Kasabay nito ay tiniyak ni Fajardo ang pakikipagtulungan sa pamahalaan upang ang mga probisyon sa naturang panukala ay maaaring maayos pa sa isasagawang alignment ng mga ito sa kasalukuyang polisiya ng PNP.

Isa sa mga kontrobersyal na probisyon ng naturang panukala ay ang adjustment sa sahod ng mga bagong police officers kung saan ang kanilang entry-level pay ay itataas sa Salary Grade 21.

Ayon kay Fajardo, mananatiling committed ang PNP sa kanilang duties.

Pagkakataon din ito aniya ng PNP upang bigyan ng ikalawang pag-aaral ang panukalang reformed bill.

Pagtitiyak ni Fajardo, makikipag-diyalogo sila sa mga mambabatas upang matiyak na ang mga mahahalagang probisyon ng panukala ay lalo pang mapagbuti.

Una rito ay nagpahayag ng kanyang pagkalungkot si dating PNP Chief at kasalukuyang Senador, Sen. Ronald Bato De la Rosa, dahil sa pag-veto ni PBBM. Nasayang aniya ang pagod ng maraming nagpagod sa naturang batas, kasama na ang pulisya.