-- Advertisements --

Pinangunahan ng mga grupo ng mga manggagawa ang indignation rally sa Maynila, nitong Miyerkules, Disyembre 18, bilang pagkondena sa inaprubahan ng Bicameral Conference Committee kamakailan na 2025 Pambansang Budget kung saan binigyan ng zero subsidy ang PhilHealth.

Ayon kay dating Department of Finance (DOF) undersecretary Cielo Magno ang ginagawa ngayon ng kongreso sa PhilHealth ay nag papahiwatig aniya ng panggigipit dahil lang umano nais ng mga kongresista na punan ang kanilang pansariling pangangailangan tulad ng pag mudmod ng mga ayuda sa publiko at tinatalikuran ang kalagayan ng kalusugan.

‘Patuloy tayong ginago at patuloy tayong niloloko ng gobyernong ito. Tayong mga manggagawa, tayong mga mamayanan patuloy na nagbabayad ng tax natin pero patuloy naman tayong niloloko dahil yung tax na binabayad natin imbis na ibalik sa’tin, sa serbisyo kagaya ng PhilHealth at maayos na edukasyon, ito ay nilalagay sa ayuda, inilalagay sa akap pang pamudmod sa mga pulitiko’, pahayag ni Magno.

Binatikos niya rin si House Speaker Martin Romualdez aniya ‘lalo na si Speaker Romualdez na ‘walang ginawa kung hindi mag road show, magpamudmod ng AKAP, yung kinikita natin, yung pinagpapaguran natin , yung tax na binabayad natin, napupunta para sa patronage politics. Nakakawala po ng dignidad,’ saad pa ni Magno.

Nanawagan rin ang mga manggagawa ng ‘veto, restore at reform’ kung saan pina-veveto nila kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang niratipikahan na bersyon ng Bicam na National Budget, sigaw nila ibalik ang subsidiya sa PhilHealth.

Sigaw din ng mga ito na mag bitiw sa puwesto ng liderato ng Department of Health (DOH) at PhilHealth na si Sec. Ted Herbosa na siyang Chairman ng PhilHealth Board at nangalampag na gamitin ang sobra-sobrang pondo ng PhilHealth.