DAGUPAN CITY — Ipinasara pansamantala ng Provincial Government ang Eastern Pangasinan District Hospital o EPDH sa bayan ng Tayug.
Ito ay dahil sa pagpositibo ng isang doctor ng Coronavirus Infectious Disease o Covid-19.
Ayon kay Provincial Health Officer Dra. Ana Marie De Guzman, isang contractual consultant doctor ang naging positibo sa naturang nakamamatay na sakit at nagkaroon ito ng direct contact sa mga kasamahang nurse at doktor.
Napag-alaman na nagduty pa ang doctor noong March 26 sa EPDH at nakaramdam ng lagnat at pag ubo na agad ding inadmit. Noong March 31 siya ay na discharged sa pagamutan subalit lumabas ang resulta ng swab test nito na positibong nakapitan ng Covid19.
Sumailalim narin sa home quarantine ang mga close contact ng doctor habang hinihintay ang resulta ng swab test sa kanila.
Dahil dito, agad na nagpalabas ng kautusan si Governor Amado ‘Pogi’ Espino lll, ng pagpapasara ng EPDH sa rekomendasyon na rin ng DOH Region 1.
Maibabalik lamang ang operasyon ng EPDH kung magnegatibo ang resulta sa mga direct contact ng doctor.
Sa ngayon ay hindi muna tatanggap ang EPDH ng pasyente at nasa skeletal force din ang ilang empleyado ng pagamutan. Nagsasagawa narin ng disenfection o sanitation procedure sa loob at labas ng ospital.
Samantala, nananawagan naman si Dra. De Guzman sa mga kababayan sa ikaanim na distrito ng lalawigan na kung kinakailangan ng atensiyong medikal ay magsadya sa ibang Community Hospital o kaya’y sa R1MC dito sa lungsod ng Dagupan.