Maaaring magdulot ng tensyon ang pagkakaaresto sa 29-taong gulang na Italian Journalist na si Cecilia Sala ito’y matapos arestuhin sa Tehran, Iran ayon ‘yan sa ilang mga ulat sa Italy.
Dinakip si Sala noong Disyembre 19, 2023, habang nagtatrabaho sa Iran gamit ang isang regular na visa para maging Journalist doon. Ang pagkakaaresto sa kaniya ay nag hudyat para tumugon ang Ministry of Foreign Affairs ng Italy sa pamamagitan ng pagtawag sa Iranian ambassador nito sa Italy, at humihiling ng agarang pagpapalaya kay Sala at binigyang-diin ang pangangailangan ng makatuwirang pagtrato at paggalang sa karapatang pantao nito.
Hindi pa malinaw kung anong partikular na paglabag ang ginawa ni Sala. May mga ulat na ang kanyang pagka-aresto ay maaaring may kaugnayan sa kanyang kamakailang podcast episode na tumatalakay sa isyu ng kaganapang politikal sa Iran.
Samantala, inilarawan naman ng pamilya ni Sala na ang kaniyang kalagayan sa Iran ay ‘malupit’. Ayon sa mga ulat, siya ay nakakulong sa isang selda na may malamig na temperatura at may nakabukas na neon light, at hindi binibigay ang mga pangunahing bagay tulad ng kaniyang eye glass.
Bukod dito, ang kanyang access umano sa labas ay limitado rin, at halos wala siyang pagkakataong makipag-usap sa iba roon ayon sa isang pahayagan sa Italy.
Hiniling ng Ministry of Foreign Affairs ng Italy na payagan ang mga kawani ng embahada sa Tehran na bisitahin si Sala at dalhin sa kanya ang mga bagay na magbibigay-ginhawa na tila hindi niya umano natamo simula ng makulong ito doon.
Ngunit giit ng embahada ng Iran sa Rome, tinitiyak nila na nakakatanggap si Sala ng lahat ng kinakailangang pangangailangan nito sa kanyang detention, at sa isang diplomatic meeting, hiniling nila sa Italy na bilisan ang pagpapalaya kay Abedini, na ayon sa Iran hinuli ng hindi makatarungan.
Si Mohammad Abedini, ay inaresto sa Milan noong Nobyembre 2023 batay sa kahilingan ng Estados Unidos. Si Abedini ay nahaharap sa mga akusasyon ng pagbebenta ng mga piyesa ng drone na umano’y ginamit sa isang pag-atake noong 2023 na kumitil sa tatlong miyembro ng mga pwersang militar ng Estados Unidos sa Jordan.
Ang akusasyon ay itinatanggi ng Iran at sinabing ang pag-aresto kay Abedini ay labag sa international law.