Hinimok ni Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration Administrator (PAGASA) Nathaniel Servando ang mga Local Chief Executive (LCE) na ‘huwag lamang mag-focus sa mga lugar na ito’
Ginawa ng state weather bureau chief ang panawagan matapos matanong sa kaniyang reaksyon ukol sa mistulang paninisi ng isang local chief executive mula sa probinsya ng Cagayan sa weather bureau dahil sa hindi sumakto ang landfall area sa lugar kung saan actual na nag-landfall ang super typhoon (ST) ‘Ofel’.
Una kasing tinaya ng weather bureau na magla-landfal ang ST Ofel sa mga bayan ng Sta Ana o Gonzaga, Cagayan ngunit kinalaunan ay naglandfall ito sa coastal town na Baggao, Cagayan.
Apela ni Servando sa mga LCE, dapat ay hindi lamang naka-pokus ang mga ito sa mga lugar na una nang tinaya o tinukoy bilang landfall area.
Malawak naman aniya ang saklaw ng bagyo, at kung nakasailalim sa mga tropical cyclone wind signal ang isang lugar, kailangan nang paghandaan ang pananalasa ng bagyo, kasama na ang anumang ‘worst case scenario’.
Mahinahon ding umapela ang bureau chief sa mga local leaders na laging paghandaan ang anumang posibleng mangyari sa oras na may mga kalamidad.
Ayon pa kay Servando, bago pa man nagla-landfall ang bagyo ay nagbibigay na ang ahensiya ng babala o warning ukol sa kung ano ang maaaring mangyari.
Paalala nito, nakaka-apekto ang bagyo sa lahat ng lugar na nasasaklawan ng sirkulasyon nito, direkta mang nag-landfal sa isang lugar o hindi, bagay na dapat paghandaan ng mga local leaders.