-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Temporaryong stop operation ngayon ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa bayan ng Hinatuan, Surigao del Sur dahil sa mga nasira nilang kagamitan matapos yanigin ng malakas na lindol nitong nakalipas na Lunes.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni chief meteorological officer Allan Rebo, nasira ang kanilang transmitter side na nasa ikapitong palapag ng kanilang gusali kung saan na-bend ang radar equipment at posibleng may nabali pa.

Tanging nailigtas ang kanilang malalaking equipment gaya ng transmitter at receiver dahil nasa loob ito ng aparador na hindi natumba.

Maliban dito may mga cracks din ang bubungan ng kanilang gusali mula sa ground floor hanggang sa 7th floor.

Nasuri na ng mga tauhan ng Municipal Engineering Office ang ground floor pa lamang ng nasabing building kung saan tinatayang aabot sa mahigit isang milyong piso ang naitalang danyos.