Posibleng pumasok ang isang bagyo sa bansa ngayong buwan ng Pebrero, bagamat wala pang low-pressure area o tropical storm na namataan ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ipinahayag ng state weather bureau na ayon sa mga datos ng ahensya, may posibilidad na mabuo ang isang bagyo ngayong buwan ng Pebrero, na maaaring dumaan sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao o kaya’y lumihis palayo sa kalupaan.
Samantala, patuloy naman na naaapektuhan ng northeast monsoon ang Hilaga at Gitnang Luzon, na nagdudulot ng maulap na papawirin at pag-ulan sa rehiyon. Inaasahang makakaranas ng pagulan ang mga residente ng Cagayan Valley at Aurora, habang ang Metro Manila, Ilocos Region, at Cordillera Administrative Region ay maaaring makaranas ng magaan pagulan o paminsan-minsang pagkidlat.
Inaasahan din ang maulap na kalangitan at mataas na posibilidad ng pag-ulan, pagkidlat, at thunderstorms sa Bicol Region at Quezon, na may kasamang panganib ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa Visayas at Mindanao naman, magkakaroon ng maulap na kalangitan at may posibilidad ng mga pag-ulan, pagkidlat, at thunderstorms. Bagamat ang mga pag-ulan ay panandalian lamang, maaaring magdulot ito ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan na maaaring magresulta sa pagbaha at pagguho ng lupa.
Bagamat walang nakataas na gale warning, inaasahan ang katamtaman hanggang mataas na alon sa mga baybayin ng Hilagang Luzon, silangang bahagi ng Southern at Central Luzon, at ilang bahagi ng Visayas.
Pinapayuhan naman ang mga mangingisda at mga naglalayag ng maliliit na bangka na mag-ingat. Pinapayuhan din ang publiko na manatiling updated sa mga weather forecast at maghanda sa mga posibleng pagbabago, lalo na’t ang Pebrero ay isang aktibong buwan para sa mga tropical cyclone.