LEGAZPI CITY- Muling pinaghahanda ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang Bicol region kaugnay ng binabantayang low pressure area, ilang araw matapos ang pananalasa ng bagyong Quinta.
Ayon kay Pagasa Deputy Administrator for Operations and Services Dr. Landrico Dalida Jr. sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, makali ang tsansa na maging ganap itong bagyo at muling tutumbukin ang rehiyon.
Sakaling tuluyan nang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ay tatawagin itong Rolly.
Nakikita rin aniya sa current track ng sama ng panahon na halos kasing-lakas ito ng nagdaang bagyong Quinta na una nang nag-iwan ng malaking pinsala sa Bicol noong weekend.
Dagdag pa ni Dalida na kaylangang paghandaan ang mataas na rainfall level habang pinangangambahang maramdaman ang sama ng panahon sa darating na Sabado.
Sakaling ganap nang maging bagyo, si Rolly ang ika-limang sama ng panahon na papasok sa bansa ngayong buwan ng Oktubre.