-- Advertisements --

Nagpaliwanag ang State weather bureau na PAGASA matapos sisihin ni Senator Imee Marcos ang ahensiya sa kakulangan umano nito ng maagang paglalabas ng warnings na nagresulta sa pagkasawi ng 150 katao sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Kristine sa bansa.

Ayon kay PAGASA deputy administrator for research and development Marcelino Villafuerte II, kanilang tinatanggap ang naging pahayag ng Senadora bilang constructive criticism at ginagawa na aniya nila ang kanilang makakaya para mapahusay pa ang kanilang mga serbisyo at makapag-bigay ng mas maayos na impormasyon sa publiko.

Subalit, iginiit din ni Villafuerte na maaga pa lamang 2 linggo bago pumasok sa Philippine Area of Responsibility ang posibleng bagyo, ipinapaalam na nila ito sa publiko.

Maliban dito, isinasama din ng ahensiya ang weather advisory para sa inaasahang pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha o pagguho ng lupa sa mga lugar.

Una na ngang sinabi ni Senator Marcos noong Linggo na kung nasabihan lang umano nang maayos ng PAGASA ang mga lokal na pamahalaan sa lakas ng mga pag-ulan dala ng bagyo, nakalikas sana aniya nang maaga at hindi namatay ang napakaraming indibidwal

Samantala, maliban sa mga nasawi sa kalamidad, pumalo na sa 143 katao ang naitalang nasugatan habang may 20 katao pa ang napaulat na nawawala base sa datos mula sa NDRRMC nitong Lunes.