-- Advertisements --

Nilinaw ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na walang bagyo ngayon sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Kasunod ito ng malakas na buhos ng ulan na naranasan sa buong Metro Manila kagabi na nagdulot naman ng mga pagbaha sa ilang bahagi ng rehiyon.

Paliwanag ng PAGASA, ito ay dulot pa lamang ng mga localized thunderstorm sa National Capital Region (NCR).

Samantala, sinabi naman ng MMDA Flood Monitoring Group na ilan sa mga binaha ay nag bahagi ng Espanya avenue sa lungsod ng Maynila kung saan ay umabot hanggang 11-pulgada ang taas ng baha, habang gutter deep sa may bahagi ng Magsaysay boulevard.

Nakaranas din ng mga pagbaha ang lungsod ng Pasay at gayundin sa paligid ng SM North EDSA at Trinoma sa Quezon City.

Dahil dito ay na-stranded ang ilan sa ating mga kababayang pasahero dahil sa pahirapang pagsakay sa mga pampublikong transportasyon kasabay ng pagbigat ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sa rehiyon dulot pa rin ng malakas na pag-ulan at pagbaha kahapon.

Sinasabing bandang alas-8:30 ng gabi nagsimulang humupa ang karamihan sa mga binahang lugar.