LEGAZPI CITY- Pinaghahanda ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang publiko sa mga posibleng pag-ulan sa Bicol region dahil sa epekto ng tropical depression Pepito, na nasa silangang bahagi ng lalawigan ng Catanduanes.
Ayon kay Pagasa forecaster Raniel Mago sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pinaka malapit ang naturang sama ng panahon sa rehiyon bukas, araw ng Martes.
Aniya, ang tropical depression ang pinakamababang kategorya ng bagyo kaya hindi pa masyadong ramdam ang hangin subalit may mga maitatala nang mga pag-ulan.
Posible umanong maramdaman ang malakas na buhos ng ulan sa ilang bahagi ng rehiyon partikular na sa Camarines provinces at Catanduanes kaya kinakailangan ng ibayong pag-iingat at paghahanda.
Ang TD Pepito ang ikatlong bagyong pumasok sa bansa ngayong buwan ng Oktubre.
Maaalalang noong nakalipas na linggo ay nakapagtala ng mga pagbaha sa lalawigan ng Albay dahil sa walang humpay na pagbuhos ng malakas na ulan.
Samantala, inaasahang hanggang sa unang quarter pa ng 2021 mararanasan ang mga pag-ulan sa ibang bahagi ng bansa dahil sa epekto ng La Niña.