BACOLOD CITY – Ilang improvised explosive devices (IED) at mga ingredients sa paggawa ng bomba ang nakumpiska ng militar matapos makubkob ang bomb factory ng New People’s Army (NPA) sa Negros Occidental.
Ayon kay 302nd Infantry Brigade commander Brigadier General Ignacio Madriaga, napasok ng mga sundalo ang kampo ng NPA na nagsisilbing manufacturing site ng IEDs sa Sitio Cabilocan, Barangay Camindangan, Sipalay City, Negros Occidental.
Naging pahirapan umano ang pagpasok ng mga sundalo sa lugar dahil mahirap ang trail at malayo ang barangay.
Kinailangan ding dumaan sa maliit na tunnel upang makapasok sa pagawaan ng bomba.
Tumagal ng limang minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng mga sundalo at militia members ng NPA ngunit walang nasugatan sa tropa ng gobyerno habang nakatakas ang mga miyembro ng komunistang grupo.
Nang nakubkob ng militar ang bomb factory ng NPA, nakumpiska ang limang IEDs, halos dalawang kilong IED materials at component, 209 blasting cap, anim na assorted firearms, 79 assorted ammunition, tatlong radyo, at iba’t-ibang tools and subversive documents.
Ayon kay Madriaga, naisagawa ang combat operations sa tulong ng mga pulis matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente na may NPA camp sa bulubunduking bahagi ng barangay.