CENTRAL MINDANAO – Nabulabog ang mga sibilyan at nagsilikas nang muling maglunsad ng air-to-ground assault ang militar laban sa mga terorista sa probinsya ng Cotabato.
Ayon kay 602nd Brigade Chief, BGen. Robert Capulong na naglunsad sila ng law enforcement operation laban sa grupo nina Kumander Katato at Daurin Manampan sa Sitio Blah. Barangay Manaulanan, bayan ng Pikit.
Papasok pa lang aniya ang tropa ng 7th Infantry Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lt. Col. Niel Roldan kasama ang mga tauhan ng 62nd Division Reconnaisance Company (DRC) ay pinaputukan na sila ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Agad tumulong ang dalawang attack helicopters ng Philippine Air Force at binomba ang kuta ng mga rebelde.
Dahil sa takot ng mga sibilyan na maipit sa engkwentro ay lumikas ito patungo sa mga ligtas na lugar.
Kagyat namang umatras ang BIFF papasok sa Liguasan Delta pagkatapos na mahigit isang oras na palitan ng bala sa magkabilang panig.
Walang nasugatan sa mga sundalo ngunit kinumpirma ng mga sibilyan na apat umano ang nasawi at marami ang sugatan sa grupo ni Katato sa ilalim ng pamumuno ni Shiek Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife ng BIFF-ISIS Inspired Group.
Nakumpiska ng mga sundalo sa kuta ng BIFF mga naiwang gamit, mga bala, materyales at dokumento sa pag gawa ng bomba.
Sinabi ni 7th IB Commander Colonel Niel Roldan na patuloy nilang tutugisin ang mga rebelde para masiguro ang kaligtasan ng mamamayan.
Nagpasalamat naman si Roldan sa tulong at kooperasyon ng MILF sa operasyon ng militar laban sa teroristang BIFF.