KALIBO, Aklan – Nananawagan ngayon ang isang non-government organization (NGO) na Friends of the Flying Foxes (FFF) sa publiko na tulungan silang malaman kung saan pumupunta ang mga paniki mula sa isla ng Boracay.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Kalibo kay Julia Lervik, presidente ng FFF, ipinaabot nito ang pagkabahala nila sa malaking pagbaba ng bilang ng mga paniki kabilang na ang flying foxes, isang uri ng fruit bat, sa isla.
Ayon pa kay Lervik ang pinakamalaking bilang ng mga paniki sa isla ay kadalasan ay nakikita tuwing summer season.
Dagdag pa nito, ang mga flying foxes ay may pinakamalaking ginagampanan sa “regeneration” ng mga kagubatan at ang pagpreserba sa “fast-dwindling forest cover.”
Base sa tala ng naturang grupo, noong Abril 2017 mayroon umanong 2,425 mga paniki sa isla at noong Marso 2018 ay nakapagtala sila ng 1,608 paniki.
Samantala, nalungkot sila noong nakapagtala lamang sila ng 78 nitong Marso ng kasalukuyang taon.
Napag-alaman na itinuturing na isa sa mga Boracay’s iconic scenes ang paglipad sa kalangitan ng mga flying foxes tuwing gabi.