KALIBO, Aklan – Ikinatuwa ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu ang ipinarating sa kanyang balita na lalo pang bumaba ang coliform level sa isla ng Boracay noong buwan ng Nobyembre sa 6.8 o most probable number (mpn) per milliliter.
Ang mga samples aniya ay kinuha mula sa iba’t ibang lugar sa isla.
Aniya bago isinara ang Boracay noong 2018, ang coliform level ay umaabot sa libo-libo o milyon.
Ang standard coliform level ay 100 mpn per 100 milliliter.
Siniguro ni Cimatu na magpapatuloy ang sinimulang rehabilitasyon ng pamahalaan sa isla gayundin ang paglilinis sa mga iligal na istraktura.
Sa kabuuang siyam umanong wetlands sa isla, lima na ang kanilang nalinis mula sa mga iligal na naninirahan dito.
Si Sec. Cimatu kasama ang Department of Tourism at Department of Interior and Local Government (DILG) ay bumibisita sa isla noong araw ng Miyerkules upang kausapin ang ilang residente at mga negosyanteng nangangambang mapapalayas sa sariling lupain matapos na matukoy na protected forest land.