-- Advertisements --

Lalo umanong dumami ang krimen sa bansa  sa pagpapatupad ng war on drugs campaign at extrajudicial killings noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang naging tugon nina House Quad Committee co-chairman Rep. Dan Fernandez ng Laguna at lead chairman Rep. Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte sa sinabi ni Duterte na mas maraming krimen ngayong kumpara noong panahon ng kanyang pamumuno.

Ayon kay Fernandez, chairman ng House Committee on Public Order and Safety, ang mga opisyal na datos mula sa Philippine National Police (PNP) ay hindi tumutugma sa mga sinabi ni Duterte.

Ayon sa ulat ng PNP, sinabi ni Fernandez na ang mga index crimes mula Hulyo 1, 2022 hanggang Hulyo 28, 2024 ay umabot lamang sa 83,059, kumpara sa 217,830 na naitala sa parehong panahon sa unang dalawang taon ng termino ni Duterte mula 2016 hanggang 2018, o mas mababa ng 61.87 porsyento.

Ayon kay Fernandez, bumaba ng 55.69 porsyento ang mga kaso ng pagpatay, homicide, physical injuries, at panggagahasa. Samantalang ang bilang ng mga kaso ng robbery, theft, car theft, at crimes against property ay bumaba ng 66.81 porsyento, mula 124,799 hanggang 41,420 kung ihahambing sa unang dalawang taon ng Duterte administration.

Sinabi pa ng mambabatas na ang Crime clearance efficiency ay tumaas ng 27.13 porsyento habang ang crime solution efficiency rate at tumaas din ng 10.28 porsiyento, na base sa ulat ng PNP.

Sinabi naman ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na iniulat din ng PNP ang mga nakumpiskang droga na nagkakahalaga ng P35.6 bilyon at ang pagkakaaresto ng 122,309 suspek sa mga kasong may kaugnayan sa droga.

Ayon kina Barbers at Fernandez, ang kampanya ng administrasyong Marcos laban sa ilegal na droga ay “walang dahas,” hindi katulad ng madugong anti-drug war ni Duterte.

Ayon kay Barbers, ang mga drug-related activities na naibunyag ng mga awtoridad sa ilalim ng pamahalaan ni Marcos ay nauugnay sa criminal syndicate na lumakas at lumawak sa ilalim ng administrasyon ni Duterte.

Binanggit niya ang P6.3-bilyong shabu na nasabat sa isang bodega sa bayan ng Mexico sa Pampanga noong Setyembre 2023, na nauugnay sa ilang mga Chinese na konektado kay Yang.