Iniulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nakaapekto sa pagbaba ng fisheries production sa bansa noong 2022 ang halos walang tigil na operasyon ng mga dayuhang fishing vessels sa katubigan ng Pilipinas.
Base sa data mula sa Philippine Statistics Authority, ang fisheries output sa West Philippine Sea ay bumaba ng 7% noong 2022 o katumbas ng 275,872 metric tons ng huling mga isda mula sa 295,332 MT noong 2021.
Ang kabuuang fisheries output sa WPS ay nagpapakita ng 6.36% ng kabuuang produksiyon ng bansa noong 2022.
Sa isinagawang turn-over ng P4.95 million halaga ng livelihood assistance sa dalawang organisasyon ng mga mangingisda, sinabi ni BFAR national director Demosthenes Escoto isa sa kinakaharap na hamon ng mangingisdang Pilipino ay ang mga banyagang mangingisda na mayroong mas malalaki at mas mahusay na gamit na mga barko sa pangingisda.
Bagamat hindi tinukoy ang nationalities ng nasabing mga foreign fishermen, hindi mapagkakaila na ang mga tsinong mangingisda ang biggest tresspasser sa kaaragatan ng Pilipinas.
Naninindigan din ang mga residente sa may isla ng Pag-asa na patuloy ang pag-intimidate ng Chinese coast guards sa kanila.
Kung kayat wala silang magawa kundi umiwas sa mga lugar kung saan nago-operate ang mga Chinese militia o chinese coast guard upang hindi sila ma-harass.
Sinabi naman ni Escoto na humahanap na ng solusyon ang gobyerno para matugunan ito.
Sa katunayan, mayroon aniyang National Task Force on West Philippine Sea at sa parte naman ng BFAR, ang pangunahing layunin nito ay agad na matugunan ang concerns ng mga mangingisda sa pamamagitan ng mga interventions upang maibangon sila mula sa kahirapan.