-- Advertisements --
boracay 12
Boracay island (photo courtesy from Bombo Ness Cayabyab-Mercado)

KALIBO, Aklan – Ikinalungkot ng Office of the Provincial Tourism ang pagbaba ng tourist arrivals sa lalawigan ng Aklan partikular sa isla ng Boracay dahil sa epekto ng Coronavirus Disease (COVID-19).

Ayon kay Tourism Officer Roselle Ruiz sa pagdinig ng Committee on Health and Social Services ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan na batay sa kanilang record, nakatala lamang ang kanilang tanggapan ng 167,017 tourist arrivals sa buwan ng Enero.

Sa naturang bilang, 98,301 dito ang foreign nationals kung saan nasa 40,155 ang mula sa mainland China; 580 naman ang mula sa Hong Kong at ang ilan ay mula sa iba pang Asian countries.

Malaki aniya ang naging impact sa turismo ng COVID-19 kung saan minabuti na lamang ng mga Chinese business owners na isara ang kanilang mga establisyemento dahil kulang na kulang ang kanilang kinikita sa ginagastos ng mga ito.

Aminado ang opisyal na hindi lamang ang Boracay ang apektado kundi ang iba pang local tourist destination sa Aklan.

Nabatid na noong 2019 ay dinomina ng mga Chinese nationals ang tourist arrivals sa isla na nakapagtala ng 434,175 at sumunod naman ang mga Koreans na may kabuuang bilang na 430,810.

Samantala, nakikipag-ugnayan na umano sila sa Department of Tourism upang makibahagi sa intra-regional tourism upang makahikayat pa ng mga domestic tourist.

Sa pamamagitan aniya nito ay hindi tuluyang mawawalan ng mga turista ang Aklan na ikakalugi rin ng pamahalaang panlalawigan.