-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Patuloy na nakakaranas ng mababang tourist arrivals ang isla ng Boracay dahil sa mahigpit na travel restrictions.

Ayon kay Malay Tourism officer Felix delos Santos, nananatiling mababa ang bilang ng mga bakasyunista simula ikalawang linggo ng Enero na umaabot na lamang sa 400 bawat kumpara sa naitalang bisita noong buwan ng Disyembre na may average na 4,000 hanggang 6,000.

Dahil dito, muling naapektuhan umano ang mga accommodation establishments at tourism enterprises gayundin ang iba pang mga manggagawa dahil sa pansamantalang pagsasara ng kanilang pinagtatrabahuhan habang ang iba ay pina-ikli ang oras ng kanilang operasyon.

Maliban dito, apektado rin ang operasyon ng mga water sports activities dahil sa kawalan ng turista.

Sa kabila nito, umaasa sila na muling sisigla ang industriya ng turismo sa isla sa napabalitang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region.

Nabatid na umabot ng 181,000 ang bisitang naitala noong Nobyembre hanggang Disyembre 2021 bago isinailalim ang Aklan sa Alert Level 3.

Sa kasalukuyan, ang mga turistang may RT-PCR test lamang ang pinapayagang makapasok sa Boracay.