Isang magandang balita at positibong pag-unlad para sa bansa ang pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho.
Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kaugnay ng Labor Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagpapakita na ang bilang ng mga Pilipino na walang trabaho ay bumaba sa 3.2 porsyento noong Nobyembre ng nakaraang taon mula sa 3.9 porsyento noong Oktobre 2024 o katumbas ng 1.66 milyong katao.
Bumaba rin ang antas ng underemployment sa 10.8 porsyento noong Nobyembre mula sa 12.6 porsyento noong Oktubre.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ang pagbaba ng mga bilang ng mga walang trabaho at underemployment ay nangangahulugan na patuloy na lumalago ang ekonomiya ng bansa sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at patuloy ang pagdami ng mga oportunidad para makapagtrabaho at magkaroon ng pagkakakitaan ang mga mamamayan.
Kabilang sa mga programang ito, ayon kay Speaker Romualdez ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), pati na rin ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na ipinatutupad naman ng Department of Labor and Employment (DoLE).
Iminungkahi ng kongresista sa mga Pilipinong walang trabaho na kumuha ng mga pagsasanay at retooling coursing na iniaalok na programa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Tiniyak din ni Speaker Romualdez sa publiko na ang Kongreso, lalo na ang Kamara de Representantes, ay patuloy na magiging katuwang ng administrasyong Marcos sa pagsisikap nitong mapanatili ang paglago ng ekonomiya at paglikha ng karagdagang trabaho para sa mga Pilipino.