-- Advertisements --

Ikinalugod ng Malacañang ang inilabas ng Social Weather Stations (SWS) survey result na nagpapakitang bumaba pa ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.

Sa nasabing survey, nasa 19.7% o katumbas ng 9.4 million ang mga walang trabaho nitong Marso 2019, kompara sa 21.1% noong Disyembre noong nakaraang taon.

Sa nasabing survey din, lumalabas na umakyat sa 47.6 million ang mga may trabaho.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, pinahahalagahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng trabaho dahil nakikita niya itong susi para lumago pa ang ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Sec. Panelo, bilang patunay dito, pinirmahan ni Pangulong Duterte ang Republic Act No. 11261 o ang First Time Jobseekers Assistance Act na naglilibre sa mga fresh graduates at iba pang mga first time job seekers sa ano mang gastusin sa proseso ng mga dokumento mula gobyerno para sa aplikasyon ng trabaho.

Kasabay nito, tiniyak naman ng Malacañang na patuloy ang hakbang ng gobyerno para makalikha ng mga bagong trabaho at makahiyakayat pa ng mga mamumuhunan sa bansa.