BOMBO DAGUPAN -Inaasahan ang pagbaba pa ng presyo ng bigas sa probinsya ng Pangasinman ayon sa Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura.
Sa panayam ng Bombo radyo Dagupan kay Engr. Rosendo So, Chairman ng nasabing samahan, inaasahang mas bababa pa sa itinakdang Price Cap ang presyo ng bigas sa lalawigan.
Aniya, ito ay dahil sa nag-umpisa na ang anihan sa lalawigan partikular na sa syudad ng Urdaneta na siyang dahilan kung bakit apektado ang presyo sa merkado.
Tinatayang aabot na lamang sa P18 pesos ang presyo ng wet rice habang P23 hanggang P24 naman sa dry rice.
Saad nito, sasapat na ang produksyon sa merkado kung kaya’t tinatayang aabot na lamang sa P43 ang presyo ng well-milled rice rito, mas mababa pa sa Price Cap na itinakda ng pangulo na P45 ang kada kilo well-milled rice.
Matatandaan na naglabas si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ng Executive Order No. 39 o ang “mandated price ceilings” sa presyo ng regular milled rice sa P41 per kilo at P45 kada kilo naman ang well milled.