Inaabangan ngayon ng nakararami ang pagbibitiw sa Chrysanthemum Throne ni Emperor Akihito matapos ang halos tatlong dekadang pamumuno nito sa bansang Japan.
Si Emperor Akihito ang kauna-unahang gagawa nito sa buong kasaysayan ng Japanese Monarchy kung saan ang anak niyang Crown Prince Naruhito ang magmamana ng nasabing posisyon.
Inaasahan naman ng Japanese community na ang pagbaba ng 85-anyos na emperador ay magiging daan para sa panibagong simula para sa bansa.
Kung matatandaan, noong 2016 nang ipahayag ni Akihito ang kanyang pagnanais na bumaba sa pwesto dahil na rin umano sa kanyang edad at kalusugan.
Dahil dito ay marami ang nakaunawa sa emperador at umani ito ng suporta mula sa publiko na naging daan upang payagan ito ng Japanese Government.
Si Crown Prince Naruhito ang pinaka-matanda sa dalawang anak ni Akihito. Isa itong musikero at hiker at nag-aral din ito ng dalawang taon sa Oxford University. Nakapagsulat din ito ng tungkol sa transport system sa Thames River noong 18th century.
Kasalukuyan namang nagpapagaling ang asawa ni Naruhito na si Masako mula sa stress-induced condition dahil sa panganganak nito.
Sa oras na magbitiw na ito sa pwesto, hahawakan niya ang bagong posisyon bilang Emperor Emeritus ngunit retirado na ito mula mga official duties at hindi na ito pipirma sa kahit anong dokumento, tatanggap ng foreign dignitaries, dadalo sa mga government events pati na rin ang pagsasagawa ng mga ritual sa palasyo.
Hindi rin ito dadalo sa succession ritual ng kanyang anak at iiwas din si Akihito mula sa public appearances. Lahat din ng kanyang aktibidad ay magiging pribado.