Masyado pang maaga para sabihing maaari nang ibaba sa Alert Level 2 ang ilang lugar sa Pilipinas partikular na sa National Capital Region (NCR) ayon sa Department of Health (DOH).
Sa isang pahayag ay iginiit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa ngayon ay masyado pang maaga upang matukoy ng kagawaran kung maaari nang ibaba ang alert level status sa mga naturang lugar.
Aniya, ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa halos lahat ng mga rehiyon sa bansa.
Napag-alaman aniya ng kagawaran na kasalukuyang nasa moderate-risk na ang healthcare utilization ng karamihan sa mga rehiyon sa Pilipinas.
Sa katunayan ay itinaas pa raw ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa Alert Level 4 ang lalawigan ng Northern Samar upang maibsan at makontrol ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19 dito.
Paliwanag niya, kasalukuyan kasing nasa high risk na ang healthcare utilization dito dahil umabot na raw sa 80% ng hospital bed capacity nito ang okupado na ng mga pasyenteng tinamaan ng nasabing sakit.
Ayon pa kay Vergeire, kahit na nakikitaan na ng pagbaba ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa NCR ay kailangang alalahanin pa rin aniya na may ilan sa ating mga kababayan na hindi na nagpapatest at may ilan din aniya na sumasailalim sa antigen test na hindi na iniuulat pa ang resulta nito sa DOH.
Inaasahan din aniya ng ahensya na maaaring maranasan ng bansa ang peak ng COVID-19 sa katapusan ng buwan ng Enero o sa kalagitnaan ng Pebrero kung kaya’ sa ngayon ay hindi pa aniya masiguro ng kagawaran kung maaari nang ibaba ang alert level status sa mga rehiyon sa Pilipinas.
Samantala, tiniyak naman ni Vergeire na magpapatuloy ang kanilang isinasagawang monitoring sa mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Una rito ay magugunita na sinabi ni National Task Force Against COVID-19 special adviser Dr. Ted Herbosa sa isang panayam na maaari nang ibaba sa Alert Level 2 ang buong Metro Manila pagdating ng Pebrero dahil mas kaunti aniya ang mga impeksyon ng virus at karamihan aniya sa mga kaso nito ay naitala sa labas ng NCR.