-- Advertisements --

MANILA – Pina-iimbestigahan na ng Department of Health (DOH) ang pagtanggap ng COVID-19 vaccine ni dating Defense Sec. Gilbert “Gibo” Teodoro sa Davao City.

Nitong Huwebes nang maturukan ng bakuna si Teodoro sa naturang lungsod. Kasunod ito ng “pagbisita” niya kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

“We have coordinated with the regional office, sila ay magpapalabas ng paliwanag tungkol dito,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“But nevertheless, kami ay naniniwala na ang regional office sa Davao, they follow our protocol. Titingnan natin kung ano yung ibibigay nilang information para hindi nag-aagam-agam ang ating mga kababayan.”

Hindi residente ng Davao si Teodoro, na mula sa probinsya ng Tarlac.

Pero ayon kay dating Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., na kasama ni Teodoro sa Davao, pasok sa A3 o grupo ng may comorbidity ang dating kalihim.

“Somebody backed out from today’s vaccine candidates. It’s a fixed number per day. Not a free for all,” ani Andaya.

Ayon kay Vergeire, hindi naman nila ipinagbabawal ang pagtanggap ng indibidwal ng COVID-19 vaccine sa lugar na hindi siya residente.

Ang mahalaga lang daw ay masunod ang prioritization framework ng pamahalaan.

“Kailangan natin magpatupad nitong portability na kung pupunta ka sa isang lugar maaari kang bakunahan kung doon ka na temporary nag-stay.”

“We are not so much strict sa geographic limitation, ang sa atin lang yung prioritization framework ipatupad lang.”

Sa ilalim ng DOH Memorandum No. 2021-0099, hindi pinapayagan ang “walk-in” vaccination.