-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nagpaabot ng kanyang practical suggestion si dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel Jr. sa Kongreso, na dalhin sa mga probinsya ang talakayan na babaguhin ang nilalaman ng Saligang Batas sa bansa.

Pahayag ito ng ama ng Local Government Code of the Philippines na si Pimentel kaugnay sa apela ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bubuo ng Kongreso na magkaroon ng mga mahalagang pagbabago ang Konstitusyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Pimentel na kailangang maiparating sa kasaluk-sulukan na bahagi ng Pilipinas ang paghihimay ng Konstitusyon at kung anu-ano ang dapat mailalagay dito.

Sinabi ni Pimentel na nagsusulong din ng pederalismong sistema na pamamahala na mahalaga ang magiging papel ng media upang mauunawaan ng sambayanan ang maisusulat sa Saligang Batas.

Ginawa rin ng dating pangulo ng Senado ang pahayag kasunod nang kumpirmasyon ni Duterte na si Taguig City Rep Alan Peter Cayetano ang susunod na uupo na tagapagsalita kaugnay sa darating na pagbubukas ng 18th Congress.

Kung maaalala, naging mainitan ang usapin sa House Speakerhip dahil marami sa mga alyado ni Duterte at sa kanyang mga anak na politiko ang lumapit upang mai-lobby ang ilang mambabatas na naghayag ng interes sa nakabakanteng posisyon.