Inamin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na maaaring magkaroon ng pagbabago sa mga alituntunin sa mga malawakang protesta kasabay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes.
Ayon kay NCRPO chief, PMGen. Debold Sinas, makikipag-usap daw sila sa mga stakeholders kaugnay sa posibleng mga pagbabago sa pagsasagawa ng mga kilos protesta sa SONA.
Kakausapin din aniya ng mga otoridad ang lokal na gobyerno ng Quezon City kaugnay sa nasabing paksa.
Aniya, natanggap lamang ng NCRPO mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang bagong panuntunan nitong Huwebes sa pagbabawal sa pagtitipon sa SONA.
“There might be changes kasi new guidelines have been issued by the IATF. Kausapin muna natin ‘yung mga stakeholders sa kabila on the new issued directive of the IATF. Kahapon lang po namin nakuha…” wika ni Sinas.
Pagbabahagi pa ni Sinas: “The Inter-Agency Task Force strongly reiterates that mass gatherings, such as, but not limited to movie screenings, sporting events, and other entertainment activities, community assemblies, and non-essential work gatherings, are prohibited subject only to very limited exceptions stated in Section 4, Paragraph 12 of the Omnibus Guidelines on the Implementation of Community Quarantine in the Philippines, as amended.”
Hindi na rin daw papahintulutan ang pagsasagawa ng rally sa kahabaan ng Commonwealth sa Quezon City.
“Ang guidance ni chief PNP sa kanila is as long as you don’t violate and don’t get out of UP compound, okay lang po,” dagdag ni Sinas.
Samantala, hinimok din ng NCRPO chief ang mga ralyista na gawin na lamang online ang kilos-protesta.
Una nang sinabi ng ilang mga grupo na inaasahan daw na sa kahabaan ng Commonwealth Avenue idaraos ang SONA rally, sa harap ng tanggapan ng Commission on Human Rights.