-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Malaki ang epekto ng ginawang hakbang ng Kagawaran ng Edukasyon na pagbabago sa isang salita sa “Panatang Makabayan” kung saan ay binago ng ahensya ang salitang “nagdarasal” at ipinalit dito ang “nananalangin” matapos lumabas ang resulta ng mga konsultasyon ng Office of the Undersecretary for Curriculum and Teaching (OUCT) sa iba’t ibang organisasyon upang baguhin ang mga terminolohiya sa pambansang pangako.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT) Education and Research Chairperson Randy Alde Alfon, sinabi nito na ikinatutuwa ng kanilang grupo ang ginawang inisyatibo ng Kagawaran ng Edukasyon sa pamamagitan ng DepEd Order No.004, Series of 2023, sapagkat kung titingnan ay magkaiba ang salitang “nagdarasal” sa “nananalangin”, partikular na sa katagalugan.

Ani Alfon na ang “nagdarasal” ay isang gawi lamang ng pakikipag-usap sa Panginoon, subalit ang “nananalangin” ay nagpapakita ng mas malalim na relasyon sa Poong Maykapal at ito ang ninanais na ma-inculcate o maitanim sa mga bata at kabataan nang sa gayon ay alam nila na sa huli ay naka-ankla pa rin ang mga Pilipino sa prinsipyo na dapat ang lahat ng kanilang ginagawa ay naaayon sa kagustuhan ng Panginoon.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Alfon na dapat pa ring surrin ang prayoridad ng Kagawaran ng Edukasyon, sapagkat sa kabila ng mga kakulangan sa iba’t ibang aspeto ng edukasyon na hindi pa rin napapakinabangan ng mga kaguruan gaya na lamang ng magkakasunod na backlog sa Perfomance-Based Bonus (PBB), pagtaas ng sahod, isyu sa pagha-hire ng guidance counselor sa bawat paaralan, at pag-amyenda ng Magna Carta para sa mga guro.

Saad ni Alfon na ito dapat ang mga prayoridad na tinututukan ng Kagawaran ng Edukasyon sa halip na isulong ang naturang inisyatibo na bagamat ay may magandang layunin ay hindi naman makatutulong sa pagtugon sa iba’t ibang isyu na kinakaharap ng sektor ng edukasyon. Dagdag pa nito na wala ring saysay ang pagbabago sa “Panatang Makabayan” sapagkat sa pagiging sobrang congested ng schedule sa mga paaralan ay hindi na sila nakakapagsagawa ng Flag Raising Ceremony.

Paliwanag pa nito na sa sobrang siksik ng araw-araw na schedule ng mga mag-aaral ay hindi na nabibigyang-kahalagahan ang pagkakaroon ng tamang disiplina sa tuwing tumutugtog ang “Lupang Hinirang”, at kung mayroon mang mga mag-aaral ang nakaapagsagawa pa ng Flag Raising Ceremony ay pili lamang ang mga ito at nabibilang sa tinatawag na cream of the crop o mga nangungunang section o mag-aaral.

Ngunit, giit ni Alfon, na hindi lamang sila ang nangangailangan ng naturang aktibidad subalit dapat din itong maranasan ng bawat kabataang mag-aaral.

Kaugnay nito idiniin naman ni Alfon na kung tunay ngang may pagmamalasakit ang Kagawaran ng Edukasyon sa mga paaralan hinggil sa ipinatupag nilang pagbabago ay bababa sila sa mga paaralan at sila mismo ang susuri sa kalagayan ng mga ito, subalit nananaig pa rin ang mga problemang nararanasan ng mga guro at mag-aaral sa siksik na schedule sa iisang araw.