-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nagpapatuloy ang malawakang pagbabakuna kontra Covid-19 ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato na pinangungunahan ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza sa bayan ng Kabacan.

Sa layuning matiyak ang kaligtasan ng bawat Cotabateño at pataasin ang vaccination rate ng probinsya, walong mga barangay na kinabibilangan ng Barangay Pisan, Lower Paatan, Osias, Pedtad, Kayaga, Dagupan, Aringay at Kilagasan ang inikot ng 10 medical teams na binuo mula sa Integrated Provincial Health Office (IPHO) ang matagumpay na nabakunahan.

Sa datos na isinumite ng IPHO, abot sa 2,645 ang kabuoang bilang ng mga nagpabakuna kung saan 675 ang tumanggap ng 1st dose, 645 sa 2nd dose, 1,232 sa first booster shots at 93 naman sa second booster.

Nagbigay naman ng suporta si Kabacan Municipal Mayor Evangeline Guzman kung saan personal na nakiisa sa aktibidad katuwang ang ilang mga Barangay Helath Workers (BHW), Rural Health Unit (RHU) ng Kabacan at ilang mga health volunteers.