Gagawing mandato ng Armed Forces of the Philippines ang pagbabakuna ng kanilang mga sundalo laban sa COVID-19.
Sa isang virtual press briefing, sinabi ni AFP spokesperson Major General Edgard Arevalo na maaaring makapamili ang mga sundalo ng brand na nais nilang maiturok sa kanila.
Pero ayon kay Arevalo, hindi puwedeng tumanggi ang mga sundalo na magpabakuna.
“To get inoculated or not is not an option to the members of the Armed Forces of the Philippines. It is a duty,” wika ni Arevalo.
“At the most, the exercise of option will be the option as to what brand of vaccine they will be availing of but the cost of which will not be paid by the Armed Forces of the Philippines,” dagdag nito.
Ang mga tatanggi naman aniyang magpabakuna ay mapaparusahan batay sa umiiral na mga panuntunan.
“Puwedeng ma-punish sila under Article of War 105, which is commanding officers disciplinary powers,” ani Arevalo.
Una rito, sinabi ng Department of National Defense na makatatanggap ang kanilang mga empleyado at maging mga kasapi ng militar ng 100,000 doses ng Sinovac vaccine.
Tuturukan din ng bakuna ang mga kawani at military personnel na nakatalaga sa civilian bureau ng DND gaya ng Office of Civil Defense, Government Arsenal, National Defense College of the Philippines at ang Philippine Veterans Affairs Office, maging mga civilian employees ng AFP.