-- Advertisements --

Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabakuna sa mga nasa A4 category kanina kung saan mismong si PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang nanguna dito.

Ayon kay PNP ASCOTF Commander at The Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, nasa 500 doses ng Sinovac vaccine ang ibinigay na allocation sa kanila ng Department of Health (DOH).

Una ng sinabi ni Vera Cruz na itinigil muna ng PNP ang kanilang vaccination dahil naubos na ang allocation na ibinigay sa kanila ng pamahalaan.

Dahil sa limitado ang Covid-19 vaccine na ibinigay ng DOH sa PNP, hinimok ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang mga PNP personnel na magpabakuna na sa kanilang mga LGUs.

Unang binakunahan si PNP Chief Police General Guillermo Eleazar kasama ang kanyang command group na si PNP Deputy Chief for Operations Police Lt. Gen. Ephraim Dickson.

Sinundan naman sila ng iba pang senior officers.

Ayon kay Eleazar, mahalaga na makapagbakuna sa mga pulis na kasama sa mga frontliner sa pagharap sa pandemya lalo pa’t mataas din ang kaso ng COVID 19 sa kanilang hanay.

Sa katunayan nga ay base sa datos ay 71 na ang namatay dahil sa COVID 19 sa PNP.

Sinabi ni Eleazar, umaasa siya na dahil sa kanyang pagbabakauna ay lalo pang tataas ang kumpyansa ng mga pulis lalo pa’t dahil sa maigting nila na information campaign, ay umakyat na sa 92.76 percent ng mga tauhan ng PNP ang gusto magpabakuna.

Sa pinakahuling tala, 18,320 na ang mga tauhan ng PNP na nabakunahan na. Katumbas lang ito ng 8 percent sa mahigit 200,000 bilang nilang myembro.