-- Advertisements --

Tiniyak ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na kanilang bibigyang prayoridad ang pagbabakuna sa mga indibidwal na nakatira sa mga closed and long-term facilities sa siyudad.

Itoy matapos magkaroon ng Covid-19 outbreak sa tatlong kumbento ng mga madre at isang seminary sa siyudad.

Inatasan na ni Belmonte ang City Health Department (CHD) na simulan na ang pagbabakuna sa mga nasabing facilities.

Batay sa report na isinumite ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (QCESU), nasa 13 facilities ang kanilang binisita at nagsagawa ng survey kabilang dito ang mga orphanages, home care facilities, apostolate centers, at rehabilitation centers.

Ayon kay QCESU chief Dr. Rolando Cruz, batay sa kanilang pagtaya nasa 1,027 employees at clients sa nasabing 13 facilities.

Nasa 2,044 ang nakatanggap ng kanilang first dose habang nasa 2,746 naman ang fully vaccinated habang nasa 594 pa ang nakatakdang bakunahan.

Sa kabuuan nasa nasa 4,790 doses ng bakuna ang naadministered sa 13 facilities.

Kinumpirma naman ni Mayor Belmonte na nakatanggap siya ng report hinggil sa pagpanaw sa siyam na mga madre dahil sa Covid-19.

Nagpa-abot naman ng kaniyang pakikiramay sa RVM community.

Gayunpaman, wala pang official information na natatangap ang QC LGU mula sa nasabing religious facility.

Siniguro naman ni Belmonte ang tulong at suporta na kanilang ibibigay sa lahat ng mga closed and long-term care facilities sa siyudad para makontrol ang infection at maiwasan na may masawi at hindi na maulit na magkaroon ng Covid-19 outbreak.

Iniutos na rin ng alkalde sa Department of the Building Official, Department of the City Architect, at City Engineering Department para mag isyu ng guidelines lalo na sa mga nasabing facilities para magkaroon ng magandang ventilation at maging virus resistant ito.