Ipinaubaya na ng pamahalaan sa binuo nitong 5-man committee ang pagbabalangkas ng guidelines para sa pagsasala sa mga courtesy resignation ng mga heneral at koronel ng Philippine National Police.
Ipinahayag ito ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. kasunod ng kaniyang anunsyo sa ika-limang miyembrong bubuo sa naturang advisory group.
Mas minabuti na aniya nilang ipaubaya sa mga ito ang paggawa ng guidelines dahil ang mahalaga naman aniya ay ang maibigay ang intelligence report sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan upang matalakay na ang mga susunod na hakbang ukol dito.
Sa naturang pahayag ay muling iginiit ni Abalos ang binuong advisory group na ito ang unang sasala at tatanggap ng mga courtesy resignation ng mga nagsumiteng heneral at koronel ng Philippine National Police, atsaka ito dadaan sa panibagong pagsusuri sa ilalim ng National Police Commission.
Kung maaalala, si dating Court of Appeals Associate Justice Melchor Sadang ang ika-lima at huling miyembro ng 5-man panel na pinangalanan ni Abalos kahapon na bubuo sa naturang advisory group na pinili ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa Lunes, inaasahang magpupulong ang mga miyembro ng 5-man committee upang mapag-usapan ang mga hakbang para sa pag-iimbestiga sa mga courtesy resignation ng mga high ranking officials ng Pambansang Pulisya na bahagi ng mas maigting na internal cleansing sa buong hanay nito. // mars