-- Advertisements --

Isinusulong muli ng mga economic managers ng Duterte administration ang pagbabalik ng pilot testing ng face-to-face classes sa mga lugar na may mababang risk ng COVID-19 transmission.

Sa isang pahayag, sinabi nina acting Socioeconomic Planning Sec. Karl Kendrick Chua, Finance Sec. Carlos Dominguez III, at Budget Sec. Wendel Avisado na ngayon na raw ang panahon para ituloy ang dry run lalo pa’t gumugulong na ang vaccination program ng bansa.

“The gradual return to school can also help their mental, social and emotional well-being. This will also give many parents the opportunity to return to work full-time and contribute to the economic recovery,” saad ng mga opisyal.

Pero babala ng mga opisyal, magkakaroon daw ng negatibong epekto sa maraming mga mag-aaral ang pagpapataga sa home-based learning.

Dahil anila rito, bababa ang productivity at earning potential ng mga kabataan sa hinaharap.

Kaugnay nito, sa naging panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Education Usec. Diosdado San Antonio na kahit naghihintay pa sila ng go signal mula sa Pangulong Duterte, tuloy-tuloy lamang aniya ang ginagawa nilang mga paghahanda para sa pilot implementation ng limited face-to-face classes.