Kumbinsido ang Malacañang na napapanahon na ang muling pagbuhay ng mandatory Reserved Officers Training Corps (ROTC) para sa mga kabataang Pilipino.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ngayong nahuhumaling ang mga kabataan sa mga gadget at online games ay tama lang na sumailalim sila sa ROTC para imulat ang mga ito sa pagiging makabayan at magkaroon ng disiplina.
Ayon kay Sec. Panelo, hindi siya sang-ayon sa mga kritikong nagsasabing dini-discourage o hindi pinapayagan ng ROTC na magkaroon ng malayang pag-iisip ang mga kabataan dahil nagiging sunod-sunuran na lamang ito.
Kahapon nang sinertipakahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang “urgent” ang Senate Bill No. 2232 para muling ibalik ang mandatory ROTC sa mga Grade 11 at Grade 12 students sa buong bansa.