-- Advertisements --

Umaasa ang PBA na maipagpapatuloy nang muli ng mga koponan ang kanilang mga ensayo sa Hulyo sa oras na pahintulutan na ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, ipapadala na raw nila sa IATF ang kanilang liham kung saan nakasaad ang kanilang intensyon na pabalikin ang mga team practice bilang paghahanda sa posibleng pag-usad muli ng 2020 season na inihinto muna dahil sa COVID-19 pandemic.

“Ibibigay na namin ‘yung letter sa DOH at sa Task Force. Kapag na-receive nila, depende na lang… Sana naman, maka-practice na tayo by July o mas earlier pa,” wika ni Marcial.

Bagama’t nasa ilalim na ng general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila, limitado pa rin ang mga sports activities na pinapayagan, gaya ng mga indoor at outdoor non-contact sports.

Pero inilatag ni Marcial ang safety protocols na binabalak na ipatupad ng liga, na inaprubahan din ng PBA Board of Governors sa kanilang board meeting noong Miyerkules.

Kumpiyansa si Marcial na pasok sa pamantayan ng IATF ang kanilang protocols, kung saan kabilang dito ang mahigpit na requirement kung saan kinakailangang sumailalim ang lahat ng mga players sa COVID-19.

Sa oras na mabigyan na ng go signal, sunod na target naman daw ng PBA ang pag-practice ng kada batch na binubuo ng anim na katao kung saan apat dito ay mga manlalaro, pero limitado lang sa conditioning.

“Kung apat sila, walang dalawahan, walang scrimmages, walang game. Conditioning lang talaga. Biruin mo apat kayo sa isang court. Kaya ‘yung social distancing, magagawa natin,” ani Marcial.