-- Advertisements --
Pasay palengke photo 2 1
IMAGE | Libertad public market in Pasay City/Bombo Radyo

MANILA – Ikinabahala ni Vice President Leni Robredo ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagsabing posibleng sa taong 2023 pa makakabalik sa normal ang Pilipinas dahil sa pandemyang idinulot ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa isang panayam sinabi ni Robredo na mas maraming mga Pilipino ang maaapektuhan at magdudusa kung tatagal pa ang kalbaryong dulot ng pandemya.

“Kapag hindi niya binilisan, mas maraming tao iyong maghihirap,” ani VP Leni sa The Mangahas Interviews ng GMA.

Ani Robredo, sa loob pa lang ng isang taon na lockdown ay sumirit na ang bilang ng mga nawalan ng trabaho.

Kaya kung hindi raw bibilisan ng pamahalaan ang pagkilos laban sa pandemya, tiyak na dadami pa ang maghihirap ng Pilipino.

“Nakakatakot ito, kasi kakayanin ba nating maghintay until 2023, considering na ang dami na ngayong naghihirap?… The longer it takes para iyong ekonomiya natin magbukas, the more difficult it will be para sa ating mga kababayan.”

Kung si VP Leni umano ang tatanungin, dapat madaliin ng pamahalaan ang pag-rolyo ng bakuna. Kakambal din daw nito ang mahigpit na pagpapatupad sa health protocols.

Dagdag pa ng bise presidente, makakatulong din ang pagbabalangkas ng plano na magsisilbing gabay sa pag-abot ng mga target para sa publiko at pandemya.

Hindi raw kasi makakatulong ang pasulpot-sulpot na pagbubukas ng ekonomiya hangga’t nananatiling mataas ang antas ng hawaan ng sakit.

“Hindi nga natin alam kung kailan ba dadating iyong mga bakuna. Mayroong dumating ngayon, 600,000 doses, pero ilang milyon ba iyong Pilipino? Not enough for us to achieve herd immunity—na alam natin na iyong herd immunity dapat iyong ating goal para makabukas na tayo ng ekonomiya.”

Kung maaalala, sinabi ni Duterte na posibleng sa sumunod na taon matapos ang kanyang termino pa bumuti ang sitwasyon ng bansa dahil sa pandemya.

“Early first or second quarter of 2023 baka, sa tulong ng Diyos,” ani Duterte nang salubungin ang shipment ng Sinovac vaccines na donasyon ng China.

Nilinaw naman ni Robredo na hindi siya tutol sa paggamit ng Sinovac vaccine, pero iginiit niya na tulad ng bakuna ng Pfizer-BioNTech at AstraZeneca, dapat dumaan din sa konsultasyon ng Health Technology Assessment Council ang Chinese-made vacine.

“Yung mayroon iyong dalawa, bakit hindi din mag-seek iyong Sinovac noong positive recommendation na iyon, dahil added layer of protection iyon sa ating lahat?”

“Kahit pa donated iyan at wala tayong gagastusin, obligasyon natin na bigyan iyong ating mga kababayan ng added layer of protection. Ano ba naman iyong kahirapan humingi ng positive recommendation?”

Noong 2020, naitala ang pinakamababang pagbagsak ng ekonomiya ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, sumadsad sa 9.5% ang gross domestic product ng bansa sa 4th quarter. Ito na ang pinakamalalang antas ng ekonomiya bansa matapos ang World War II.