LEGAZPI CITY – Hindi pa umano malinaw ang muling pagbabalik-operasyon ng mga provincial buses sa darating na Marso 15.
Ayon kay Abbi Ilagan, provincial bus operator sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinakailangan muna ng endorsement mula sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at makapag-comply ng mga requirements sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bago makapag-operate ang mga provincial buses.
Ito rin ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, hindi pa makapag-umpisa ng biyahe ang mga bus na may rutang Manila to Bicol at vice versa.
Hirit rin nito ang kalinawan kung bakit may mga malalaking bus company na ang babiyahe sa Marso 15 na mula sa Turbina hanggang Daraga, Legazpi, Tabaco at vice versa.
Ayon kay Ilagan, walang designated terminal sa Turbina at nakapalaman sa guidelines na point to point ang pagpababa at pick up ng pasahero habang PITX lamang ang designated terminal sa mga bus mula sa Pio Duran, Legazpi at Tabaco.
Hindi umano ito patas sa ibang operator na nagsisikap na masunod ang guidelines ng lokal na pamahalaan.