LEGAZPI CITY – Ipinag-utos na ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Bicol ang pagbabalik-operasyon ng minahan ng Filminera Resources Corporation sa Aroroy na bahagi ng Masbate Gold Project.
Pansamantalang itinigil ang operasyon nito upang masuri ang tailing storage facility kung nagkaroon ng pinsala dulot ng lindol na tumama sa lalawigan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay MGB Bicol Regional Director Danny Molina, naisumite na ang opisyal na report at sulat sa special session kasama si Governor Antonio Kho na mula pa sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bicol.
Walang nakitang karampatang rason ang MGB team na nag-imbestiga upang palawigin pa ang suspensyon dahil stable naman ang malaking dam na humahawak ng mga dumi sa minahan habang wala ring minor damage sa istruktura.
Subalit, hindi kumbinsido dito ang Task Force Bantay Kalikasan ng provincial government kaya’t magpapasok ng third party para sa isa pang pagsusuri.
Sa hiwalay na panayam sa tagapagsalita ng task force, Board Member Jamon Espares, bubuksan na ang public bidding sa mga darating na linggo para sa engineering company na tutulong sa panibagong assessment at ocular inspection.