VIGAN CITY – Lumaki umano ang pag-asa ng ilang kongresista, pati na ng ilang election watchdog sa bansa na posibleng maibalik na ang manual elections sa mga susunod na halalang magaganap sa bansa.
Ito’y kasunod ng bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Commission on Elections (Comelec) na huwag nang kunin ang serbisyo ng Smartmatic sa 2022 presidential elections.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na mas maganda umano na maibalik ang manual elections sa bansa nang sa gayon ay mas madaling matukoy kung sino ang sangkot sa mga pinaniniwalaang pandaraya sa resulta nito.
Samantala, sinabi rin sa Bombo Radyo ni House minority leader Danilo Suarez na panahon na umano upang maibalik sa dating sistema ang halalan sa bansa dahil sa mga iregularidad na naganap nitong nakalipas na midterm elections kung saan ang ilan ay nagdududa sa naging resulta nito.
Sa panig naman ni National Movement For Free Elections (NAMFREL) national chairman Gus Lagman, sinabi nito na mas mabuti umanong maibalik ang manual elections, partikular na ang manual counting sa mga presinto sa susunod na eleksyon sa bansa para maiwasan umano ang mga aberya kagaya na lamang ng pagpalya ng mga vote counting machine at mga na-corrupt na SD cards na nagiging sanhi ng delay sa pagboto at transmission ng mga resulta ng eleksyon.
Kung maalala, sa pagharap ni Pangulong Duterte sa Filipino community sa Japan ay ibinilin nito sa Comelec na maghanap na ng kompanyang papalit sa Smartmatic dahil sa mga naging aberya ng katatapos na midterm elections.
Naniniwala ang mga nasabing kongresista at ang NAMFREL na kapag hindi magtagumpay ang Comelec sa paghahanap ng bagong kompanya na papalit sa Smartmatic ay maaring ibilin ng pangulo na maibalik na lamang sa manual elections ang sistema ng halalan sa bansa.