-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nagbabalik na sa national team ng Philippine athletics ang isa sa top long jumper ng bansa at dating national athlete na si Katherine Khay Santos ng Baguio City.

Ito ay matapos makamit ng 31-year old mom ang gold medals sa women’s long jump at women’s 100-meter dash sa kasalukuyang 2-day 2021 Ayala Philippine Athletics Championships ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) dito sa Baguio Athletic Bowl.

Ito ang comeback ng 2011 SEA Games long jump bronze medalist sa mga local at international competitions pagkatapos ng aabot sa tatlong taon na pagpapahinga niya sa athletics dahil sa personal na rason.

Dahil sa panalo ni Santos, naging silver medalist sa women’s long jump ang 40-year old women’s long jump national record-holder at four-time SEA Games champion na si Marestella Torres-Sunang.

Nanaig din sa women’s 10,000 meter ang Bukidnon pride at reigning SEA Games marathon queen na si Christine Hallasgo.

Samantala, naidepensa ni 110-meter hurdles champion Clinton Bautista ang kanyang titulo habang ibinigay pa sa kanya ang pagkilala bilang Fastest Man ng torneyo matapos mapanalunan ang gold medal sa men’s 100-meter dash.

Nagtamo din ng injury ang long jumper na si Miller Manulat sa kasagsagan ng kanyang pagtalon bagaman nakuha pa rin nito ang bronze medal.

Kasama pa sa mga nanaig na select national team members laban sa mga capable aspirants sina 4x100m relay bronze winners Jessel Lumapas at Maureen Schrijvers (SHRAI-VERS) habang pinanguhanan ng decathlete na si Janry Ubas ang men’s long jump at ang 60 meter dash, long jump at men’s high jump sa heptathlon.

Aabot sa 200 na mga atleta ang magpapaligsahan sa 43 na sporting events ng men’s at women’s category.

Mapipili dito ang bubuo sa national training pool ng athletics na magiging kinatawan ng Pilipinas sa 2021 SEA Games sa Vietnam at sa 19th Asian Games sa China.

Bukas naman sa mga gustong manood ang kasalukuyang torneyo.