-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Hindi natuloy ang pagbabalik sana sa trabaho ng ilang Pilipino sa Los Angeles, California, USA dahil sa nagpapatuloy na kilos protesta kaugnay sa police brutality at racism.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Rupert Julius Rama, nagtratrabaho sa jewelry shop sa Los Angeles, California, nitong Martes sana ang resumption ng kanilang trabaho kasabay ng reopening ng mga negosyo na nagsara dahil sa COVID pandemic.

Ngunit dahil nasa downtown Los Angeles ang kanilang shop, nakansela ang pagresume ng trabaho dahil dito rin ang sentro ng mga kilos protesta.

Aniya, sinira at pinagnakawan ng mga protesters ang mga jewelry stores sa ilalim na bahagi ng building na kinaroroonan ng jewelry shop na kanyang tinatrabahuan at patuloy din ang looting sa ibang stores.

Inamin din nito na marami ang protest areas sa California kaya’t nahihirapan ang mga pulis.

Ipinapatupad naman ang curfew sa nabanggit na estado mula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga at nakadeploy na rin ang National Guard troops.